Panitikan sa Filipino

Panitikang Filipino sa Iba’t ibang Panahon

ni G. Francis Rodolfo M. Marcial Jr.

 

Panahon ng Katutubo

Bago pa man dumating ang mga Kastila sa Pilipinas, mayroon nang sining at panitikan ang mga sinaunang Pilipino.

Karamihan sa mga panitikan nila’y yaong mga pasalin-dila   gaya ng mga bulong, tugmang-bayan, bugtong, epiko, salawikain at awiting-bayan na anyong patula; mga kwentong-bayan, alamat at mito na anyong tuluyan at ang mga katutubong sayaw at ritwal ng babaylan bilang pinakaunang anyo ng dula sa bansa.

Karamihan sa mga panitikang ito ay pasalin-dila. May mga panitikan ring nasulat sa mga piraso ng kawayan, matitibay na kahoy at makikinis na bato. Ngunit iilan na lamang ang mga natagpuan ng mga arkeologo (archeologists) sapagkat batay sa kasaysayan, pinasunog at pinasira ito ng mga prayle nang dumating sila sa bansa sa         paniniwalang ang mga ito ay gawa ng demonyo.

 

Pananakop ng Kastila

Dumating ang mga Kastila sa bansa taglay ang tatlong Gs – GOD, GOLD at GLORY. Dumating sila na ang pangunahing layunin ay ihasik ang Kristiyanismo, maghanap ng ginto at upang lalong mapabantog sa pamamagitan ng pagdaragdag ng kanilang nasasakop.

Mahahati ang panitikan sa dalawa sa panahong ito: una ay pamaksang pananampalataya at kabutihang-asal at ang ikalawa ay ang panitikang panrebolusyon.

(1) Panitikang Pamaksang Pananampalataya at Kabutihang-asal

 

Dahil sa pananampalataya ang pangunahing pakay ng mga Kastila, karamihan sa mga unang akdang nalikha sa panahong ito ay halos paksang pananampalataya. Halimbawa sa mga ito ay ang mga uri ng dulang senakulo, santa cruzan at tibag; tulang gaya ng mga pasyong inaawit. Sila rin ang nagpakilala ng konseptong maharlika o dugong bughaw sa mga Pilipino na mababatid sa mga akdang awit na ang mga pangunahing tauhan ay mga hari, reyna, prinsipe at prinsesa – isang patunay ang awit na Florante at Laura ni Balagtas at mga dulang duplo at karagatan.

Sa panahong ito, piling-pili lamang ang nakasusulat sapagkat wikang Kastila lamang ang kinikilala sa ganitong larangan. Kaunti lamang ang nakasusulat sa Kastila dahil sa pagpipigil, sa nadaramang takot at pagiging madamot ng mga Kastila.

Sa panahong ito nalimbag ang pinakaunang aklat sa bansa; ang Doctrina Christiana na nalimbag noong 1553 na isang panrelihiyong aklat.

Ang pasyon ang isa sa patulang anyo na makarelihiyon. Samantalang ang mga dula sa nama’y ang mga senakulo, Santa Cruzan, at tibag. Ang mga dulang Moro-Moro naman ay pumapaksa sa tagumpay ng mga Kastila, isinasadula rito ang mga himagsikan sa pagitan ng mga sundalong Kastila at mga Muslim sa Mindanao at sa wakas ng dula, palaging nagwawagi ang Kastila at talunang niyayakap ng mga Muslim ang Kristiyanismo. Nauso rin ang carillo o mga dulang puppet na yari sa karton na gumalaw sa likod ng isang mailaw at puting tela.

Ang mga panitikan namang ukol sa kabutihang-asal ay ang Urbana at Feliza ni Padre Modesto de Castro.

Nalimbag rin sa panahong ito ang pinakaunang newsletter sa bansa noong 1637 – ang Successos Felices (Fortunate Events) ni Tomas Pinpin na may 14 na pahina. Ngunit noong Agosto 8, 1811 lamang nalathala ang pinakaunang pahayagan sa bansa – ang Del Superior Govierno na umabot hanggang labinlimang tomo.

(2) Panitikang Rebolusyonaryo at Sedisyoso

Sa ikalawang bahaging ito ng kasaysayang pampanitikan sa panahon ng pananakop ng Kastila, karamihan sa mga panitikang nalikha ay may diwang rebolusyonaryo at nagbukas sa kamalayang Pilipino sa di-makataong pagtrato sa kanila ng mga Kastila at nag-uudyok na kalabanin ang pamahalaan.

Dahil sa labis na pang-aalipin at pang-aalispusta at masidhing diskriminasyon ng mga Kastila sa mga Pilipino; nagsilunsad ng mga kilusan ang iilang Pilipinong hindi na sumasang-ayon sa pamamalakad ng mga prayle at pamahalaang Kastila.

Nagsisulat ang mga Pilipino sa panahong ito ng mga panitikang nagrerebolusyon. Nalathala ang mga pahayagang propagandista na pinangunahan ng La Solidaridad noong Pebrero 19, 1889 na naglalayong “matamo ang pagbabagong kailangan ng bansang bilang tugon sa kalagayang panlipunan at pang-ekonomiya, maisiwalat ang malubhang kalagayan ng bansa sa ilalim ng pamamalakat ng mga Kastila at upang pairalin ang kalayaan at demokrasya.”

Dahil sa mahigpit ang pamahalaan, nagsitago ang mga manunulat sa ilalim ng iba’t ibang sagisag-panulat upang maprotektahan ng mga sarili laban sa mapang-alipustahang Kastila at upang patuloy na makasulat.

Ang pambansang bayaning si Dr. Jose P. Rizal na may sagisag-panulat na Laong Laan ay naging bahagi ng pahayagang La Solidaridad; at ang may-akda ng mga nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo na unang nalimbag at nalathala sa Espanya at naging mitsa sa mga rebolusyonaryong Pilipino na mag-aklas laban sa mga Kastila. Sumulat din si Rizal ng mga sanaysay gaya ng Hinggil sa Katamaran ng mga Pilipino at Sa Mga Kabataang Dalaga sa Malolos.

Ang mga bayaning sina Marcelo H. Del Pilar (na may sagisag-panulat na PLARIDEL), Graciano Lopez-Jaena, Antonio Luna,  Mariano Ponce, Pedro Serrano Laktaw, Emilio Jacinto,  Apolinario Mabini, at marami pang iba ay nagsisulat din.

 

Pananakop ng Amerikano

Dahil sa pagnanais ng mga Pilipino na mapatalsik ang mga Kastila, naging tagapagsagip ang mga Amerikano nang dumating sila noong 1898 na tuluyang nagpabagsak sa pamahalaang Kastila.

Kung relihiyon ang naging pamana ng mga Kastila sa Pilipino, edukasyon naman ang naging pangunahing ipinamana ng mga Amerikano. Sa panahong ding ito isinilang ang mga ilang imortal na makatang Pilipino na nagsisulat sa Ingles at Tagalog.

Sa mga unang taon ng pananakop ng Amerikano sa bansa, sumulat ang mga Pilipino sa Kastila, Tagalog at iba pang wikang panlalawigan. Nagsimula lamang umusbong ang mga panitikan sa Ingles noong 1910 dahil sa mga bagong silang na manunulat.

Kabilang sa mga manunulat sa panahong ito sina Cecilio Apostol na sumulat ng mga oda para kay Rizal; Claro M. Recto na naging tanyag sa kanyang natatanging mga talumpati; si Lope K. Santos na sumulat ng obra-maestrang “Banaag at Sikat” at nagpauso ng panitikang sosyalista; si Jose Corazon de Jesus na tinaguriang Makata ng Pag-ibig at may panulat-sagisag na ‘Huseng Batute;’ at si Jose dela Cruz na may panulat-sagisag na ‘Huseng Sisiw’ dahil sisiw ang ipinababayad kapag nagpapagawa sa kanya ng tulang pag-ibig; si Severino Reyes na sumulat ng imortal na dulang “Walang Sugat” at tinaguriang Ama ng Dulang Tagalog; si Zoilo Galang na pinakaunang nobelistang (A Child of Sorrow) Pilipino sa Ingles at maraming-marami pang iba.

Ang mga Amerikano ang nagpakilala ng mga fairy tale sa mga Pilipino na ginamit ng mga gurong Tomasites sa pagtuturo.Ipinakilala rin ng mga ito ang iba pang uri (genre) ng panitikan gaya ng oda at nagpakilala sa pinilakang-tabing – ang pelikula.

Dahil sa impluwensiyang pangteknolohiyang dala ng mga Amerikano, naimpluwensiyahan din ang panitikan sa bansa. Dula ang naging pangunahing panitikan sa panahong ito. Dala nila ang mga bodabil na isang uri ng dula kung saan umaawit at sumasayaw ang mga artista na nagbunga sa sarsuwela ng Pilipinas. Dahil sa dala rin ng mga Amerikano ang pelikula sa bansa, ngunit nag-umpisa ito sa mga artistang gumagalaw lamang at nagsasalitang walang tinig (silent films); unti-unting naisantabi pansamantala ang dulang panteatro sa bansa dahil sa nakahiligan na ng mga Pilipino ang panonood ng pelikulang-tahimik.

Ang mga unang pelikulang ginawa sa bansa ay halos mga dokumentaryo ukol sa pagsabog ng mga bulkan at iba pang kalamidad at ang iilang dokumentaryong bunga lamang ng pagka-ignorante ng mga Amerikano sa mga katutubong Pilipino.

Ang mga unang pormal na pelikula sa bansa ay ukol sa buhay ng bayaning si Rizal at ng kanyang dalawang nobela. Ang pinakaunang pelikulang Hollywood na ginawa sa bansa ay ang pelikulang Zamboanga. Ito ang kauna-unahang Hollywood film na may underwater scene. Ngunit ang pinakaunang pelikulang produksyon ng    Pilipino ay sa pamumuno ni Jose Nepumuceno hango sa dulang panteatrong Dalagang Bukid (dula ni Hermogenes Ilagan) na malateatro rin ang kinalabasan.

Di naglaon, ninais na rin ng mga Pilipino na makawala sa kamay ng mga Amerikano. Ngunit hindi rin naging mabilis ang pagkamit sa kalayaan.

Ang dula ay sadyang kinasangkapan ng mga manunulat na Pilipino upang ipahayag ang hangad na paglaya ng bayan at makabayang pananaw. Ang kalayaang tinamasa sa kamay ng mga Amerikano ay alangang ihambing sa ipinalasap ng mga Kastila. Gayunpaman, hindi rin nasiyahan ang mga manunulat.

Isa sa mga unang dulang itinanghal sa panahon ng mga Amerikano na umuusig sa mga Amerikano at sedisyoso ay ang kay Juan K. Abad na itinanghal noong Mayo ng 1903 – ang Tanikalang Ginto. Inakyat ng mga alagad ng batas ang Batangas habang itinatanghal ang dulang ito dito at dinakip ang may-akda. Ngunti napawalang sala rin sa tulong ng isang mahusay na manananggol na Pilipino. Ang dulang Kahapon, Ngayon at Bukas ni Aurelio Tolentino ay tumuligsa rin sa Amerikano. Ngunit pinakamatindi ang paghihimagsik ng dulang “Hindi Ako Patay” na hindi na nakilala ang may-akda dahil sa ginamit nito ang pangalan ng kanyang may-bahay.

Pananakop ng Hapon

Sa pambobomba ng Amerika sa Hiroshima, gumanti ang Hapon sa paglusob nito sa Pearl Harbor noong Disyembre 7, 1941. Dahil nasa isalalim ng kolonya ng Estados Unidos kaya’t sinakop ng Hapon ang Pilipinas. Ngunit para sa karamihang manunulat na Pilipino, isang biyaya sa larangang panitikan ng bansa ang pangyayaring ito. Sumibol nang lubos ang panitikan ng bansa sa panahong ito dahil ipinagbawal ng namumunong Hapon ang paggamit ng wikang Ingles at itinaguyod ang pagpapayaman sa panitikan gamit ang mga katutubong wika sa bansa. Sinunog din ang mga aklat na nasusulat sa Ingles upang masigurong hindi mababahiran ng kanluraning ideya ang panitikang nililikha.

Ang panahong ito sa kasaysayan ng bansa at ng panitikan ang tinaguriang Gintong Panahon ng Panitikang Filipino dahil higit na malaya ang mga Pilipino (kaysa noong sa Amerikano) sa pagsulat ng panitikan at pagsanib ng kultura, kaugalian at paniniwalang Pilipino sa mga ito.

Sa panahon ding ito kinilala ang mga manunulat na babaeng Pilipino sa pangalan nina Liwayway A. Arceo at Genoveva Edroza-Matute dahil sa mga makintal na maka-feministang maikling-kwento.

Dahil sa dinalang haiku (maikling tulang may tatlong taludtod at may bilang na pantig na 5-7-5 sa taludtod), nagkaroon ang mga Pilipino ng tanaga (maikling tulang may apat na taludtod at ang bilang ng pantig ay 7-7-7-7)

Panahon ng Pagkamit ng Kalayaan hanggang Kasalukuyan

Naging makasaysayan sa mga Pilipino ang pagbabalik ng kanilang kalayaan mula sa kamay ng mga Hapon. At dahil sa kalayaang natamo, higit ring sumigla ang kalayaang pampanitikan ng bansa.

Bilang patunay ng kasiglahan ng panitikang Filipino sa iba’t ibang uri sa panahong ito ay ang pagkakalimbag ng mga sumusunod na katipunan ng mga aklat: Mga Piling Katha at Mga Piling Sanaysay ni Alejandro Abadilla, Maiikling Kwentong Tagalog ni Teodoro Agoncillo, Ako’y Isang Tinig ni Genoveva Edroza-Matute at marami pang iba. Kinilala rin buhat sa panahong ito ang mga panitikang panlalawigan dahil sa mga inilunsad na mga pambansang pananaliksik at pagsasaling-wika ng panitikan ng Pilipinas.

Lalo pang sumigla ang panitikang Filipino nang ilunsad ang gawad Carlos Palanca Memorial Awards for Litetature.

Sumilang din sa panahong ito ang aktibismo ng mga batang mag-aaral noong nagsisimula ang dekada ’80 at ang kanilang panitikang aktibista gaya nina Virgilio Almario (na may sulat-panulat na Rio Alma) at Quintin Perez.

Pinakamasigla rin ang mga panitikang namayagpag sa media gaya ng sa radyo, telebisyon at sinehan. Nagsilang ang panahong ito ng mga musikerong Imelda Papin at Victor Wood, ng Hotdog, Sampaguita, Asin, Ryan Cayabyab, Levi Celerio, Pepe Smith at Freddie Aguilar na naging laman ng mga jukebox. Mga lagaristang gaya nina Ricardo “Ricky” Lee (may-akda/Himala at Oro, Plata, Mata), Lino Brocka (tagadirehe/Maynila sa Mga Kuko ng Liwanag) at Ishmael Bernal (tagadirehe/Himala) at Marilou Diaz-Abaya (tagadirehe/Oro, Plata, Mata). Nagsilabasan rin ang mga karikaturang (komiks) na Darna, Liwayway at Zuma ni Mars Ravelo at ang pinakatanyag na Pugad Baboy.

Nag-uumpisa pa lang ang ikadalawampung siglo, higit na sumigla ang panitikang Filipino dahil sa trend o pinauso na dulot ng media.

Kinilala ang Eraserheads (isang bandang binubuo ng mga mag-aaral ng UP) sa pagpapasigla muli sa OPM. Nagbukas ng daan sa marami pang musikero ang Eheads gaya ng sa Yano, Siakol, Green Department, the Teeth, Rivermaya at Parokya ni Edgar. Nagbigay ng bagong hihip sa kulturang Pilipino ang mga bandang ito na nagpakilala ng iba pang genre ng musika sa lahi. Kinilalang The Beatles of the Philippines ang Eheads dahil sa init na taglay ng bawat pagtanghal at bagong awitin. Ilan sa mga awiting kinilalang imortal sa panahong ito ay ang Huling El Bimbo, Iskin, Banal na Aso Santong Kabayo, Himala, Silvertoes, Alapaap, Overdrive, Peksman, Prinsesa, Pare Ko at Miss sa Loob ng Jeepney. Maliban sa mga banda, kinilala rin ang mga       musika ni Jolina Magdangal,   Jeremiah, Rossel Nava at Carol Banawa na mga supling          ng makabagong melo-musika ng bansa.

Sumigla rin ang mga dulang pantelebisyong pambata lalung-lalo na ang Batibot, Ang TV at 5 and up. At mga dulang panradyo ay kinagigiliwan naman ng mga nakatatanda. Puspusan din ang produksyong pampelikula na nagsalin ng mga maikling-kwento at nobela sa pelikula at ginawang inspirasyon ang mga awit, tula, sanaysay at kasaysayan sa pagbuo ng marami pang dulang pampelikula. Naipanganak din ang maraming genre ng pelikula gaya ng independent flims at cinema veritae film.

           

Sa kasalukuyan, sinasalin ang mga panitikan hindi lamang sa mga pahayagan, magazine at aklat,  hindi lamang sa anyo ng pelikula, palabas pantelebisyon o kaya’y programang panradyo; kundi sa pamamagitan din ng hi-technology – ang Internet. Dahil sa internet nagkaroon ng blogging, video clipping at audio airing na patuloy na bumubuhay sa panitikan hindi lang ng Filipino kundi ng ibang lahi mandin.

Patuloy na dumarami ang mga manunulat na Pilipino sa iba’t ibang anyo at uri ng panitikan gamit ang iba’t ibang media dahil sa mga inumpisahang kurso sa mga universidad at kolehiyo at pangangasiwa ng gobyerno ng mga pagsasanay sa mga kinakikitaang husay na mga mamamayan. Ngunit ang kasiglahan ng panitikan ay hindi magiging buo kung aasahan lamang ang pagdami at pag-usbong ng mga manunulat; kailangan din ang pagpapahalaga at pagmamalasakit ng mga mambabasa na katuwang sa pagtaguyod ng panitikan ng lahi.

PARABULA NG AMA, ANAK AT KALABAW

Isang mapagmahal na pamilya ang nakatira sa isang bundok. Ang ama’y magsasaka samantalang mabuting may-bahay ang ina. Isang lalake ang anak ng mag-irog na naninirahan sa bundok. Pitong na taon na ngayon ang kanilang anak.

Nang minsang bumaba sa bukid ang ama ay isinama niya ang kanyang anak upang makatulong kahit papaano at nang malibang na rin. Dala rin nila ang kalabaw na siyang mag-aararo sa lupang tatamnan. May kalayuan ang pinag-aanihang bukid ng ama. Kinakailangang dumaan ng apat na baryo bago marating ang bukid.

Masayang-masaya ang batang lalake habang tinutulungan ang kanyang ama sa pagtatrabaho sa bukid. Nanghuhuli rin siya ng maliliit na langgam at ng luntiang tipaklong sa pagkakataong nag-aararo ang ama. Maligaya naman ang ama habang pinagmamasdan ang kanyang anak.

Magdidilim na at pagod na ang ama. Tumigil na rin ang kalabaw sa paggawa dahil sampung kwadro na ang binungkal nito. Kaya naisipan na ng ama na umuwi at niyaya na nga ang anak.

Habang sila’y naglalakad patungo sa bundok na kanilang tinitirhan ay napadaan sila sa isang baryo. Hapung-hapo ang ama kaya naisip ng anak na ang ama na lang ang ipasakay sa kalabaw sa halip na siya. Hawak ng bata ang lubid na nakatali sa kalabaw na kinasasakyan ng ama. Napansin nilang nag-uusap ang ilang ale sa isang banda ng baryo. Narinig na lamang nila: “Hay naku, anong klase ama ‘yan? Kabata-bata ng anak inaalila nang ganyan. At siya, komportableng nakasakay sa kalabaw.”

Napahiya ang ama sa kanyang narinig. Kaya bago tumawid sa sunod na baryo ay bumaba na ito at ibinuhat ang anak pasakay sa kalabaw. Hapung-hapo sa paglalakad ang ama habang hawak ang lubid ng kalabaw. Ngunit nakarinig na naman sila ng mga komento mula sa mga tagabaryo. “Ano ba naman iyang batang ‘yan? Nakita na ngang pagud na pagod ang ama sa pag-aaro nang buong araw sa bukid hinayaan pa ang ama na maglakad. Napakawalang utang na loob sa amang kumakayod para sa pamilya.” Kaya bago tumungo sa ikatlong baryo ay ibinaba ng ama ang anak.

Magkahawak kamay ang mag-ama habang naglalakad kasama ang kalabaw. Nang maabot ang ikatlong baryo, nanghina ang mag-ama sa narinig mula sa isang tagaroon: “Katangahan naman ang ibinigay sa mag-amang ito. Ang layo ng bukid na pinanggalin. Pagod pa sa paggawa roon. Naglakad. Hindi man lamang naisip sakyan ang kalabaw. Ano pa ang silbi nito? Tsik…tsik…” Sumakay sa kalabaw ang dalawa. Sakay sila ng kalabaw hanggang maabot ang ikaapat at panghuling baryo.

“Kawawa naman ang kalabaw. Maghapong nag-araro sa bukid, napapagod din ‘yan. Siguro kung nakapagsasalita lamang ang kalabaw na iyan siguradong magrereklamo na ‘yan. Itong mag-ama, napakalupit! Wala man lang konsiderasyon sa kalagayan ng hayop. Kahit hayop, napapagod at may pakiramdam din.” Narinig na lamang nilang sabi ng isang lalake habang lumalagok ng tuba sa tindahang nadaanan.

Nang makarating ng bahay, hindi maintidihan ng babae sa itsura ng kanyang mag-ama.

Mga Sanggunian

 

Pagbasa ng Panitikan at Kulturang Popular: piling sanaysay, 1976-1996

Soledad S. Reyes

ADMU Press, Quezon City, Philippines, 1997

 

Panunuring Pampanitikan (Teorya at Pagsasanay)

Patronicio V. Villafuerte

Mutya Publishing House, Valenzuela City, Philippines, 2000

 

PLUMA III: Wika at panitikan para sa mataas na paaralan

Ailene G. Basa, Mary Grace C. del Mundo, Nestor S. Lontoc at Alona M. Dayag

Phoenix Publishing House, Inc., Quezon City, Philippines, 2004

Ang mga anyong patula ay may apat na uri. Ito ay mga sumusunod: tulang pasalaysay, tulang paawit o liriko, tulang dula o pantanghalan, at tulang patnigan.

 

Ang tulang pasalaysay ay naglalarawan ng mga tagpo o pangyayaring mahahalaga sa buhay. Ito ay may tatlong uri – ang epiko, awit at kurido, at balad.

Ang epiko ay mahabang tula na inaawit o binibigkas. Nauukol ito sa kababalaghan at pagtatagumpay ng pangunahing tauhan laban sa mga panganib at hamong kanyang natatanggap. Ang mga nagsulat nito ay naglayong gamitin ito sa ritwal.

Ang Biag ni Lam-ang (Buhay ni Lam-ang) ay isang halimbawa ng epiko. Isinulat ito ni Pedro Bukaneg ng taga-Abra. Ito ay kilala bilang pinakamatandang epikong naitala. Nakasulat ito sa salitang Iloko at tungkol sa mga pambihirang pakikipagsapalaran ni Lam-ang, ang pangunahing tauhan ng epiko. Si Lam-ang daw ay binigyan ng di pangkaraniwang lakas at pananalita nang ipinanganak. Isa pang halimbawa ng epiko ay ang tungkol sa Ifugao na si Hudhud. Ang epikong ito ay kinakanta tuwing may importanteng mga kasayahan, katulad ng anihan at pagtatanim.

Ang mga paksa sa awit at korido ay tungkol sa pagkamaginoo at pakikipagsapalaran ng mga pangunahing tauhang mga reyna’t hari, prinsesa’t prinsipe.

Ang awit ay may 12 ang sukat ng pantig, habang ang korido naman ay may 10 ang sukat.

Ang Florante at Laura ay isang halimbawa ng awit, at ang mga sumusunod ay halimbawa ng korido: Ang Ibong Adarna, at Buhay na Pinagdaanan ni Donya Mariang Asawa ng Ahas.

Ang balad ay tulang inaawit habang may nagsasayaw. Ginawa ito noong matagal

nang panahon. Mayroon itong anim hanggang walong pantig. Isang halimbawa nito ay

balitaw. Ang balitaw ay debateng awit at sayaw tungkol sa pagmamahalan ng isang

babae at isang lalaki.

Ang tulang paawit o liriko ay mayroon ding iba’t ibang uri. Ito ay ang mga

sumusunod:

  1. 1.      Awiting Bayan – ang mga ito ay mula pa sa mga ninuno natin at magpahanggang

ngayon ay kinakanta o inaawit pa rin natin. Pangunahing halimbawa ng awiting bayan ay ang Lupang Hinirang, ang Pambansang Awit ng Pilipinas. Iba pang halimbawa ay ang Leron, Leron Sinta, Dalagang Pilipina, Bahay Kubo at ang Paruparong Bukid.

     2. Soneto – ang tulang ito ay tungkol sa damdamin at kaisipan. Ito ay may 14 na

taludtod. Dito ay may mapupulot na aral ang mambabasa. Ang halimbawa ng soneto ay ang Sonnet on Worker’s Rights ni Amado M. Yuson na isinalin sa wikang Filipino ni Joey A. Arrogante. Ito ay pinamagatang Soneto sa mga Karapatan ng Mga Manggagawa.

     3. Elehiya – ang tulang ito ay patungkol sa kamatayan o sa pagdadalamhati lalo

na sa paggunita sa isang sumakabilang-buhay na. Isang halimbawa ng elehiya

ay ang isinulat ni Bienvenido A. Ramos na may pamagat na Awit sa Isang Bangkay.

    4. Dalit – kilala ito bilang awit sa pagsamba sa mga anito. Ngayon, ito ay awit

ng papuri sa Diyos o kaya ay sa Birheng Maria na ina ng Diyos o sa relihiyon.

    5. Pastoral – mga tulang tungkol sa buhay sa bukid.

6. Oda – ito ay isang papuri, panaghoy, o iba pang masiglang damdamin. Walang tiyak

na bilang ang pantig at taludtod. Ang tulang dula o pantanghalan ay may limang uri. Ito ay ang sumusunod:

  1. 1.      Komedya – ang layunin nito ay gawing kawili-wili ang panonood sa pamamagitan ng   mga ginagawa ng pangunahing tauhan. Ang wakas nito ay masaya. Ang kaguluhan sa bandang simula ay naaayos. Ang pagkakasundosundo ng mga tauhan ang nakapagpapasaya sa mga nanonood. Isang halimbawa ng komedya na isinulat ni Juan Crisostomo Soto (o Crissot), na tinaguriang “Ama ng Panitikang Kapampangan” ay ang komedyang Kiki-Riki, isang komedyang nakasulat sa Kapampangan at may isang yugto.
  1. 2.      Melodrama – ginagamit ang tulang ito sa mga dulang musikal. Isang halimbawa

nito ang Sarimanok na isinulat ni Steven Prince “Patrick” C. Fernandez.

      3. Trahedya – nauuwi ang dulang ito sa malagim o malungkot na wakas. Isang

halimbawa ng trahedya ay Ang Trahedya sa Balay ni Kadil na isinulat ni

Don Pagusara.

      4. Parsa – ang parsa ay nakapagpapasiya sa mga nanonood dahil sa mga

dugtong-dugtong na mga pangyayaring nakatatawa.

5. Saynete – ang dulang ito ay tungkol sa mga lugar o pag-uugali ng mga tao.

Ang tulang patnigan naman ay may tatlong uri. Ito ay ang mga sumusunod:

  1. Karagatan – ginagamit ang tulang ito sa laro, kadalasan tuwing mayroong namatay.   Kunwari ay may matandang tutula tungkol sa dahilan ng laro. Tapos ay paiikutin ang isang tabong may tanda. Kapag huminto ang tabo sa pag-ikot, ang matatapatan nito ay tatanungin ng dalaga ng mga salitang matatalinhaga o makahulugan. Ang larong ito ay nagmula sa isang alamat ng isang prinsesang naghulog ng singsing sa karagatan. Ang sinumang binatang makakuha ng singsing ay siya niyang pakakasalan.

2. Duplo – ito ang pumalit sa karagatan. Labanan ito ng pagalingan sa pagbigkas

at pagbibigay katwiran nang patula. Ang mga pagbigkas ay galing sa mga

kasabihan, salawikain at Bibliya. Ito ay madalas laruin tuwing may lamay sa

patay.

3. Balagtasan – ang balagtasan naman ang pumalit sa duplo. Ito ay debate na

binibigkas nang patula. Ipinangalan ito sa tanyag na manunulat na si

Francisco “Balagtas” Baltazar. Pinatanyag ito ng “Hari ng Balagtasan” na si

Jose Corazon de Jesus (Huseng Batute).

Mga Kuwentong-Bayan

 

Tayong mga Filipino ay madalas na nagtitipun-tipon at karaniwang nauuwi ito sa

biruan, awitan, kuwentuhan at paglalaro. Ang kuwentuhan ang pinakakaraniwang

nangyayari. Tungkol ito sa kanilang mga buhay-buhay o sa mga namanang salaysay. Ito

ngayon ang tinatawag na kuwentong-bayan.

Ang kuwentong-bayan o folktales sa Ingles ay mga pasalitang pagsasalaysayan sa tradisyong patuluyan. Kinukuwento ito sa pamamagitan ng natural na pag-uusap na pasalita na karaniwang nangyayari sa pang-araw-araw na pag-uusap.

Naiiba ito sa patula na kung saan ang pagbigkas ay artipisyal dahil ito’y taludturang may sukat at tugma.

Ang salitang bayan sa kuwentong-bayan ay nagsasaad ng hindi alam kung sino ang taong orihinal na naglahad ng kuwento. Ito’y hindi nasusulat o nakasulat sapagkat ito ay nagpasalin-salin lamang sa bibig ng marami. Walang tanging nagmamay-ari nito kundi ang bayan.

Ang mga kuwentong-bayan ay nauuri ayon sa nilalaman at pamamaraan ng pagkakalahad nito. Ang mga sumusunod ay iba’t ibang uri ng kuwentong-bayan.

 

 

Alamat o Mito

 

Ang alamat ay tumutukoy sa leyenda o legend sa Ingles, na ang ibig sabihin

ay isang uri ng kuwentong-bayan na nagsasalaysay tungkol sa pinagsimulan ng mga

bagay-bagay. Ito ay mga kuwento tungkol sa pinagmulan ng simula.Ito’y  karaniwang tungkol sa diyos o diyosa, bathala o mga anito. Kasama na rin dito ang tungkol sa kanilang mga nilalang tulad ng kalikasan, langit, mundo at mga unang tao. Kaugnay na rin dito ang tungkol sa pagsamba ng tao sa maylalang o maykapal (Diyos). May mga pagkakataon ding may mga nilikha na tanging dinadakila o binabayani. Ito’y dahil sa kanilang katapangan, kagitingan o kapangyarihan.

Ilan sa mga mito sa ating bansa ay patungkol sa pagsamba tulad nang ang pagkaroon ng mga Bikolano na tinatawag na Gugurang, ang mga Ilokano naman ay may Kabunian, ang mga Bilaan ay may Adwata, at ang mga Tagalog ay may Bathala. Kung tungkol naman sa mga bayani, ang mga Bikolano ay may Handing, isang magiting na bayaning pumatay ng higanteng ahas.

 

Ang pabula

 

Ang pabula ay unang naging tanyag sa Gresya (Greece) dahil sa mga kuwento ni

Aesop na taga-Gresya na tinaguriang Aesop’s Fable.

Ang pabula ay mga kuwentong-bayan na karaniwang isinasalaysay ng mga

magulang sa kanilang mga anak upang sila’y aliwin o pangaralan. Dahil mahihilig ang

mga bata sa mga hayop, ang mga tauhan sa kuwento ay pawang mga hayop. Ang mga

hayop ay ginagamit upang kumatawan sa mga katangian o pag-uugali ng tao.

Halimbawa ang ahas ay inihahalintulad sa isang taong taksil, ang unggoy o matsing sa

isang taong tuso, at ang pagong sa taong makupad. Sa mga kalikasan naman, ang rosas

ay kumakatawan sa babae o sa pag-ibig. Ang bubuyog sa isang mapaglarong manliligaw

at kung anu-ano pa.

Sa ganitong paglalahad, naiiwasan ang makasakit sa damdamin ng tao, sakali mang may nakikinig na maaaring siya ang tinutukoy ng tema. Sabi nga sa isang salawikain: “Bato, bato sa langit, ang tamaan ay huwag magagalit”. Sa mga panahong supil ang pamamahayag, ang pabula ang mabisang sandata para maipahayag ang katiwalian at mailantad ito sa mga kinauukulan.

Ang Parabola

 

Ang parabola ay karaniwang hango sa Bibliya o Banal na Kasulatan. Sa mga

Kristiyano, ang pabula ay mga pagtuturo at pangangaral ni Hesus noong magsimula

Siya sa Kanyang misyon sa daigdig. Isang halimbawa ng pabula sa wika Niya ay: “ang

tao ay may mga mata ngunit hindi nakakakita, may mga tenga, subalit hindi  nakakarinig.” Sa pamamagitan ng kaisipang ito, mamumuni-muni, mauunawaan at

makikilala ng isang tao ang kanyang sarili.

Ang parabola, tulad ng pabula ay masimbolo kaya malalim ang kahulugan nito na

dapat pag-isipan. Katulad rin sa alamat at pabula, ang parabola ay may mga taglay na

aral na nagsisilbing gabay sa ating buhay. Ang anyo nito ay tila kuwentong pambata sa

unang tingin dahil payak ang takbo ng banghay at mga karaniwang tao, hayop o mga

bagay lamang ang mga tauhan kaya ito ay kagiliw-giliw. Ito’y nababagay sa mga taong

may mga sariling isip nang magpasya gaya ng mga magulang at iba pang mga nakatatanda para lalong lumawak ang kanilang pakikitungo sa kanilang sarili, kapwa, lipunan at sa larangang kanilang kinabibilangan.

Mga Kuwentong Kababalaghan

 

Ito ay isa ring uri ng kuwentong bayan subalit ang kaibahan nito sa mga naunang

nabanggit, ito’y sadyang likhang-isip lamang o mula sa makislot na guni-guni ng

tagapagsalaysay. Ang kadalasang tema ng kuwentong ito ay tungkol sa mga

kababalaghan gaya ng mga maligno, duwende, multo, tikbalang, aswang at iba pa.

Kadalasan, walang naniniwala dito at karaniwang pinagkikibitang-balikat lamang ang

mga kuwentong ito.

Noong araw, ginagamit na panakot ito ng matatanda sa mga anak nilang matitigas

ang ulo. Sa panahon natin ngayong nabago nang lahat ang takbo ng buhay dahil sa pagunlad

ng agham at teknolokiya, ang mga kuwentong ito ay napapakinggan na sa mga programa ng radyo, napapanood sa mga palabas sa telebisyon at pelikula at nababasa na rin sa mga komiks.

Mga Kuwentong Katatawanan

 

Ang mga kuwentong katatawanan ay maaaring gawa-gawa lamang bilang mga

kantiyaw, o kaya’y mga pangyayari sa pang-araw-araw na kapaligiran, na sa halip na

takasan ang katotohanan o reyalidad nito, sa mga pabirong paraan ay nakukuhang

tanggapin ng maluwag sa buhay.

 

Mga Palaisipan

 

Katulad ng bugtong, ang palaisipan ay pahulaang nagpapatalas ng isipan. Ang

kaibahan ng palaisipan sa bugtong ay hindi ito nakataludtod, walang sukat o tugma at

nakasulat sa anyong pakuwento. Ang mga pananalita ay malaya at ginagamit sa arawaraw, at karaniwa’y nagtatapos sa isang tanong.

Ito’y parang isang sanayan ng mga tao noong araw sa larangan ng matematika at

lohika. Mapanghamon ito sa sensibilidad at kapasidad ng taong mag-isip. Noong

panahong nagdaan, karaniwan sa mga pagtitipun-tipon, inuman, lamayan o pangkatuwaan man, hindi maaaring mawala ito sapagkat ito’y nagsilbing panukat ng

talino at pampasigla ng pulso.

Ang Maikling Kuwento

 

Ang maikling kuwento ay isang makabagong sangay ng panitikan na sadyang

kinakathang masining upang madaling pumasok sa isip at damdamin ng magbabasa ang

isang pangyayari sa buhay na inilalarawan sa kuwento.

Mga bahagi at sangkap o elemento ng maikling kuwento

 

Ang maikling kuwento ay may simula, gitna at katapusan. Sa simula

matatagpuan ang tatlong mahahalagang sangkap o elemento: ang tauhan na

ipinakikilala ayon sa kaanyuan o papel na gagampanan, halimbawa, ang bida at

kontrabida; ang tagpuan na pangyayarihan ng aksyon o insidente na naghahayag ng

panahon, halimbawa, kung tag-init, tag-ulan, oras at lugar, at ang sulyap sa suliranin, na

magpapahiwatig sa magiging problemang kakaharapin ng pangunahing tauhan o ng

tanging tauhan.

Sa gitna, tatlo rin ang sangkap. Ito ay ang sumusunod: ang saglit na kasiglahan,

na nagpapakita sa panandaliang pagtatagpo ng mga tauhang nasasangkot sa problema;

ang tunggalian na tahasan nang nagpapakita ng labanan o pakikibaka ng tanging tauhang

inilalahad at ito ay maaaring ang kanyang pakikipagtungali sa sarili, sa kapwa, sa

kalikasan; at ang kasukdulan, ang pinakamadulang bahagi ng kuwento kung saan iikot

ang kahihinatnan ng tanging tauhan, kung ito ay kasawian o tagumpay.

Sa wakas naman matatagpuan ang kakalasan at ang kinatapusang sangkap. Sa

kakalasan mababatid ang kamalian o kawastuan ng mga di-inaasahang naganap na

pagbubuhol na dapat kalagin. Mababatid naman sa katapusan ang magiging resolusyon

ng kuwento at ito’y maaaring masaya o malungkot, pagkatalo o pagkapanalo ng

pangunahing tauhan.

May mga ibang kuwento na hindi na winawakasan at wala ang dalawang huling

sangkap nito. Iniiwan na lamang itong bitin sa kasukdulan at hinahayaan na lamang ang

magbabasang humatol o magpasya sa dapat na kahinatnan nito. Mapaghamon ang

ganitong wakas sa isip ng mga mambabasa. Parang kabilang na rin sila sa mga saksi sa

kuwento.

Ang sanaysay

 

Ang sanaysay ay isang uri ng panitikan na nasusulat sa anyong tuluyan na

karaniwang pumapaksa tungkol sa mga kaisipan at mga bagay-bagay na sadyang

kinapupulutan ng aral at aliw ng mga mambabasa. Kasama sa mga paksang naisusulat sa

sanaysay ang mga panlasa at hilig, reaksiyon at palagay, saloobin at paniniwala,

kalagayan at katauhan, karanasan at kaalaman ng bawat may akda.

Sa uring ito ng panitikan, mabibilang ang mga sulating pampahayagan (artikulo,

natatanging pilak o lathalain, tudling); ang mga akdang pandalub-aral (tesis,

disertasyon, diskurso o talumpati); at gayun din ang mga panunuring pampanitikan at

mga akdang pananaliksik.

May dalawang uri ang sanaysay: pormal at pamilyar o personal.

Ang sanaysay ay nasa uring pormal kung ito ay maimpormasyon. Ito ay naghahatid o nagbibigay ng mahahalagang kaisipan o kaalaman sa pamamagitan ng makaagham at lohikal na pagsasaayos ng mga materyales tungkol sa ikalilinaw ng paksang tinatalakay. Ang mga salitang ginagamit ay pinipili kaya mabigat basahin. Mapitagan ang tono dahil sa bukod sa ikatlong panauhan ang pananaw ay obhektibo o di-kumikiling sa damdamin ng may-akda. Ang tema nito ay seryoso, maintelektuwal at walang halong pagbibiro.

Ang sanaysay ay nasa pamilyar o personal na anyo kung ito ay mapang-aliw –

nagbibigay-lugod sa pamamagitan ng pagtalakay sa mga paksaing karaniwan, pang-araw-araw at personal. Ididiin dito ang mga bagay-bagay, mga karanasan at mga isyung bukod

sa kababakasan ng personalidad ng may-akda ay maaaring kasangkutan ng mambabasang

madla. Ang pananalita ay magaan, madaling maintindihan, nahahaluan pa minsan ng

kolokyal. Ang tono ng pananalita ay parang kaibigan lamang at ito’y ginagamitan ng

unang panauhan. Subhektibo rin ito sapagkat pumapanig sa damdamin at paniniwala ng

may-akda ang pananaw.

May nga katangiang dapat taglay ng isang manananaysay. Ito ay ang mga

sumusunod:

1. may mabilis na utak

2. sensitibo sa kapaligiran

3. may laging tugon at hinuha sa interes ng buhay, ng tao, at ng mga bagay-bagay

4. may kakayahang manuklas ng mga bagay-bagay na hindi nakikita ang panlabas

Lamang

5. malikhain at orihinal sa isip at damdamin

6. may mapiling panlasa

7. may kalugurang mapagkakatiwalaan

8. may kabatiran sa mga kaalamang makabago hinggil sa makataong kapakanan

9. pamilyar sa mga mabubuting panitikan at iba pang sining

Wika

Katuturan

Binanggit ni Austero et al (1999) mula kay Gleason na “ang wika ay masistemang balangkas ng sinasalitang tunog na isinaayos sa paraang arbitraryo. Ang mga tunog ay hinugisan/binigyan ng mga makabuluhang simbolo (letra) na pinagsama-sama upang makabuo ng mga salita na gamit sa pagpapahayag.”

Dagdag naman nina Mangahis et al (2005) na ang wika ay may mahalagang papel na ginagampanan sa pakikipagtalastasan. Ito ang midyum na ginagamit sa maayos na  paghatid at pagtanggap ng mensahe na susi sa pagkakaunawaan.

Kahalagahan ng Wika

Mahalaga ang wika sapagkat:

  1. ito ang midyum sa pakikipagtalastasan o komunikasyon;
  2. ginagamit ito upang malinaw at efektivong maipahayag ang damdamin at kaisipan ng tao;
  3. sumasalamin ito sa kultura at panahong kanyang kinabibilangan;
  4. at isa itong mabuting kasangkapan sa pagpapalaganap ng kaalaman.

Katangian ng wika

  1. Ang wika ay isang masistemang balangkas dahil ito ay binubuo ng mga makabuluhang tunog (fonema) na kapag pinagsama-sama sa makabuluhang sikwens ay makalilikha ng mga salita (morfema) na bumabagay sa iba pang mga salita (semantiks) upang makabuo ng mga pangungusap. Ang pangungusap ay may istraktyur (sintaks) na nagiging basehan sa pagpapakahulugan sa paggamit ng wika.
    1. Ponolohiya o fonoloji – pag-aaral ng fonema o ponema; ang fonema ay tawag sa makabuluhang yunit ng binibigkas na tunog sa isang wika. Halimbawa ay ang mga fonemang /l/, /u/, /m/, /i/, /p/, /a/ at /t/ na kung pagsama-samahin sa makabuluhang ayos ay mabubuo ang salitang [lumipat].
    1. Morpolohiya o morfoloji – pag-aaral ng morfema; ang morfema ay tawag sa pinamakamaliit na makabuluhang yunit ng salita sa isang wika. Sa Filipino ang tatlong uri ng morfema ay ang salitang-ugat, panlapi at fonema.

Salitang-ugat = tao, laba, saya, bulaklak, singsing, doktor, dentista

Panlapi = mag-, -in-, -um-, -an/-han

Fonema = a

*tauhan, maglaba, doktora

c.       Sintaksis – pag-aaral ng sintaks; sintaks ay ang tawag sa formasyon ng mga pangungusap sa isang wika. Sa Filipino, maaaring mauna ang paksa sa panaguri at posible namang pagbaligtaran ito. Samantalang sa Ingles laging nauuna ang paksa.

Hal. Mataas ang puno.

Ang puno ay mataas.

The tree is tall. (hindi maaaring ‘Tall is the tree.’ o ‘Tall the tree.’)

d.       Semantiks – pag-aaral ng relasyon ng salita sa bawat isa sa iisang pangungusap; ang mga salita sa pagbuo ng pangungusap ay bumabagay sa iba pang salita sa pangungusap upang maging malinaw ang nais ipahayag.

Hal. Inakyat niya ang puno.

Umakyat siya sa puno.

Makikita na nang ginamit ang pandiwang [inakyat] ang panghalip ng aktor sa pangungusap ay [niya] at ang pantukoy sa paksa ay [ang]. Samantalang sa ikalawang pangungusap ang pandiwa ay napalitan ng [umakyat] kaya nakaapekto ito sa panghalip ng aktor na dati’y [niya] ngayo’y [siya] na. Imbis na pantukoy na [ang] ay napalitan na ng pang-ukol na [sa]. Nagkaiba na ang kahulugan ng dalawang pangungusap.

  1. Ang wika ay binubuo ng mga tunog. Upang magamit nang mabuti ang wika, kailangang maipagsama-sama ang mga binibigkas na tunog upang makalikha ng mga salita. (Tingnan ang ponolohiya)
  1. Ang wika ay arbitraryo. Lahat ng wika ay napagkakasunduan ng mga gumagamit nito. Alam ng mga Ilokano na kapag sinabing [balay], bahay ang tinutukoy nito. Sa Chavacano naman ay [casa] kapag nais tukuyin ang bahay at [bay] naman sa Tausug samantalang [house] sa Ingles. Kung sakaling hindi naintindihan ng isang tao ang isang salita o pangungusap ng isang wika, nangangahulugan na hindi siya bahagi ng kasunduang pangkaunawaan. Ngunit kung pag-aaralan at matututunan niya ang wika, nangangahulugang sumasang-ayon siya sa kasunduan ukol sa naturang wika.
  1. Ang wika ay may kakanyahan. Lahat ng wika ay may sariling set ng palatunugan, leksikon at istrukturang panggramatika. May katangian ang isang wika na komon sa ibang wika samantalang may katangian namang natatangi sa bawat wika.

Halimbawa

Wikang Swahili – atanipena (magugustuhan niya ako)

Wikang Filipino – Opo, po

Wikang Subanon – gmangga (mangga)

Wikang Ingles – girl/girls (batang babae/mga batang babae)

Wikang Tausug – tibua (hampasin mo), pugaa (pigain mo)

Wikang French – Francois (pangngalan /fransh-wa/)

Mapapansin sa wikang Swahili (isang wika sa Kanlurang Afrika) isang salita lamang ngunit katumbas na ng isang buong pangungusap na yunik sa wikang ito. Sa Filipino lamang matatagpuan ang mga salitang opo at po bilang paggalang. Sa Subanon naman, mayroong di pangkaraniwang ayos ng mga fonema gaya ng di-kompatibol na dalawang magkasunod na katinig sa iisang pantig na wala sa karamihang wika. Sa Ingles naman, isang fonema lamang ang idinagdag ngunit  nagdudulot ng makabuluhang pagbabago. Sa Tausug naman ang pagkabit ng fonemang /a/ ay nagdudulot na ng paggawa sa kilos na saad ng salitang-ugat. Sa French naman, mayroon silang natatanging sistema sa pagbigkas ng mga tunog pangwika.

  1. Ang wika ay buhay o dinamiko. Patuloy na nagbabago at yumayaman ang wika. Nagbabagu-bago ang kahulugan ng isang salita na dumaragdag naman sa leksikon ng wika.

Halimbawa:          BOMBA

Kahulugan

a.       Pampasabog

b.       Igipan ng tubig mula sa lupa

c.       Kagamitan sa palalagay ng hangin

d.       Bansag sa malalaswa at mapanghalay na larawan at pelikula

e.       Sikreto o baho ng mga kilalang tao

  1. Lahat ng wika ay nanghihiram. Humihiram ang wika ng fonema at morfema mula sa ibang wika kaya’t ito’y patuloy na umuunlad. Gaya sa Chavacano, binibigkas na ang ‘ka’ na hiniram sa Visaya bilang kapalit ng ‘tu’ at ‘bo’. Ang Filipino ay madalas manghiram gaya ng paghiram sa mga salitang [jip, jus at edukasyon] na mula sa Ingles na [juice], [jip] at Kastilang [educaćion].
  1. Ang wika at kultura ay magkabuhol at hindi maaaring paghiwalayin. Maraming salita na hindi maisalin sapagkat wala silang katumbas sa ibang wika. Dahil sa ganitong pagkakataon, napipilitang humiram ng salita mula sa isang wika sapagkat hindi komon ang salita sa kultura ng wikang patutunguhan. Halimbawa, walang katumbas ang /malong/ sa Tagalog sapagkat hindi bahagi ng kultura ng mga Tagalog ang salitang ito. Ang /lamaw/ naman ng Cebuano ay hindi rin matutumbasan sapagkat iba ang paraan ng paghahanda ng buko ng mga Cebuano sa iba pang komunidad sa bansa.
  1. Ang wika ay bahagi ng karamihang anyo/uri ng komunikasyon. Sa komunikasyon ng mga pipi, hindi wika ang kanilang ginagamit kundi mga kilos. Hindi wika ang kanilang midyum sapagkat hindi nito taglay ang katangian ng isang ganap na wika.
  1. Nasusulat ang wika. Bawat tunog ay sinasagisag ng mga titik o letra ng alfabeto. Ang tunog na “bi” ay sinasagisag ng titik na ‘b’. Ang simbolong ‘m’ ay sumasagisag sa tunog na “em”.
  1. May level o antas ang wika.

Antas ng wika

  1. formal at di-formal – di-formal na wika ang wikang ginagamit ng tao sa ka-edad samantalang formal naman ang wikang gingamit ng tao sa nakatataas o nakatatanda
  2. lingua franca – wikang ginagamit ng karamihan sa isang bansa; sa Pilipinas ang Filipino ang lingua franca ng mga tao
  3. lalawiganin – mga wikang ginagamit ng mga tao sa lalawigan gaya ng Chavacano, Tausug, Cebuano, Ilonggo, Visaya at iba pa. Hindi talamak ang paggamit sa isang bansa ng mga wikang lalawiganin ngunit nagsasadya ito ng implikasyon ng kultura ng isang lalawigan
  4. kolokyal – ito ay ang pakikibagay ng wika sa taong gumagamit nito. Kadalasan napaiikli ang mga salita ngunit napagkakasunduan ang pagpapaikli nito. Halimbawa: /tena/ para sa ‘tara na’,  /pre/ para sa ‘pare’
  5. balbal o pangkalye – wikang ginagamit ng tao na halos likha-likha lamang at may kanya-kanyang kahulugan gaya ng wika ng mga tambay at bakla – halimbawa ang mga salitang ‘eklavush’, ‘erpat at ermat’ at ‘cheverloo’.
  6. edukado/malalim – wikang ginagamit sa panitikan, sa mga paaralan at pamantasan, sa gobyerno, sa korte at iba pang venyung profesyunal

Teorya ng pinagmulan ng wika

v      Teorya sa Tore ng Babel – Ang teoryang ito ay nahalaw mula sa Banal na Kasulatan. Ayon sa pagsasalaysay, noong umpisa’y iisa ang wika ng tao na biyaya ng Diyos. Dahil sa nagkakaunawaan ang lahat, napag-isipang magtayo ng isang tore upang hindi na magkawatak-watak at nang mahigitan ang Panginoon. Nang nabatid ito ng Panginoon, bumaba Siya sa lupa at sinira ang tore. Nang nawasak na ang tore, nagkawatak-watak na ang tao dahil iba-iba na ang wikang kanilang binibigkas kaya nagkanya-kanya na sila at kumalat sa mundo.

v      Teoryang Bow-wow – Sinasabi sa teoryang ito na nagkaroon ng wika ang tao dahil noong umpisa’y ginagaya nila ang tunog na nililikha ng mga hayop gaya ng tahol ng aso, tilaok ng manok at huni ng ibon.

v      Teoryang Ding-dong – Maliban sa tunog ng hayop, ginagaya naman daw ng tao ang tunog ng kalikasan at paligid gaya ng pagtunog ng kampana, patak ng ulan at langitngit ng kawayan.

v      Teoryang Pooh-pooh – Ang tao ay nakalilikha ng tunog sanhi ng bugso ng damdamin. Gamit ang bibig, napabubulalas ang mga tunog ng pagdaing na dala ng takot, lungkot, galit, saya at paglalaan ng lakas.

v      Teoryang Yo-he-ho – Isinasaad dito na nagsimula ang wika sa indayog ng himig-awitin ng mga taong sama-samang nagtatrabaho.

v      Teoryang Yum-yum – Sinasabi sa teoryang ito na ang wika ay nagmula sa pagkumpas ng maestro ng musika at sa bawat kumpas ay nagagawa niyang lumikha ng tunog mula sa kanyang labi.

Teoryang Klasismo/Klasisismo

v    Ang layunin ng panitikan ay maglahad ng mga pangyayaring payak, ukol sa pagkakaiba ng estado sa buhay ng dalawang nag-iibigan, karaniwan ang daloy ng mga pangyayari, matipid at piling-pili sa paggamit ng mga salita at laging nagtatapos nang may kaayusan.

Teoryang Humanismo

v    Ang layunin ng panitikan ay ipakita na ang tao ang sentro ng mundo; ay binibigyang-tuon ang kalakasan at mabubuting katangian ng tao gaya ng talino, talento atbp.

Teoryang Imahismo

v    Ang layunin ng panitikan ay gumamit ng mga imahen na higit na maghahayag sa mga damdamin, kaisipan, ideya, saloobin at iba pang nais na ibahagi ng may-adka na higit na madaling maunawaan kaysa gumamit lamang ng karaniwang salita. Sa halip na paglalarawan at tuwirang maglalahad ng mga imahen na layong ilantad ang totoong kaisipan ng pahayag sa loob ng panitikan.

Teoryang Realismo

v    Ang layunin ng panitikan ay ipakita ang mga karanasan at nasaksisan ng may-akda sa kanyang lipunan. Samakatuwid, ang panitikan ay hango sa totoong buhay ngunit hindi tuwirang totoo sapagkat isinaalang-alang ng may-akda ang kasiningan at pagkaefektibo ng kanyang sinulat.

Teoryang Feminismo

v    Ang layunin ng panitikan ay magpakilala ng mga kalakasan at kakayahang pambabae at iangat ang pagtingin ng lipunan sa mga kababaihan. Madaling matukoy kung ang isang panitikan ay feminismo sapagkat babae o sagisag babae ang pangunahing tauhan ay ipimayagpag ang mabubuti at magagandang katangian ng tauhan.

Teoryang Arkitaypal

v    Ang layunin ng panitikan ay ipakita ang mga mahahalagang bahagi ng akda sa pamamagitan ng mga simbolo. Ngunit hindi basta-basta masusuri ang mga simbolismo sa akda. Pinakamainam na alamin muna ang kabuuang konsepto at tema ng panitikan sapagkat ang mga simbolismong napapaloob sa akda ay magkaugnay sa isa’t isa. Ang lahat ng simbolismo ay naaayon sa tema at konseptong ipinapakilala ng may-akda sa mga mambabasa.

Teoryang Formalismo/Formalistiko

v    Ang layunin ng panitikan ay iparating sa mambabasa ang nais niyang ipaabot gamit ang kanyang tuwirang panitikan. Samakatuwid, kung ano ang sinasabi ng may-akda sa kanyang panitikan ang siyang nais niyang ipaabot sa mambabasa – walang labis at walang kulang. Walang simbolismo at hindi humihingi ng higit na malalimang pagsusuri’t pang-unawa.

Teoryang Saykolohikal/Sikolohikal

v  Ang layunin ng panitikan ay ipaliwanag sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga salig (factor) sa pagbuo ng naturang behavior (pag-uugali, paniniwala, pananaw, pagkatao) sa isang tauhan sa kanyang akda. Ipinakikita sa akda na ang tao ay nagbabago o nagkakaroon ng panibagong behavior dahil may nag-udyok na mabago o mabuo ito.

Teoryang Eksistensyalismo

v  Ang layunin ng panitikan ay ipakita na may kalayaan ang tao na pumili o magdesisyon para sa kanyang sarili na siyang pinakasentro ng kanyang pananatili sa mundo (human existence).

Teoryang Romantisismo

v  Ang layunin ng teoryang ito ay ipamalas ang iba’t ibang paraan ng tao o sumasagisag sa tao sa pag-aalay ng kanyang pag-ibig sa kapwa, bansa at mundong kinalakhan. Ipinakikita rin sa akda na gagawin at gagawin ng isang nilalang ang lahat upang maipaalam lamang ang kanyang pag-ibig sa tao o bayang napupusuan.

Teoryang Markismo/Marxismo

v  Ang layunin ng teoryang ito ay ipakita na ang tao o sumasagisag sa tao ay may sariling kakayahan na umangat buhat sa pagdurusang dulot ng pang-ekononiyang kahirapan at suliraning panlipunan at pampulitika. Ang mga paraan ng pag-ahon mula sa kalugmukan sa adka ay nagsisilbing modelo para sa mga mambabasa.

Teoryang Sosyolohikal

v  Ang layunin ng panitikan ay ipakita ang kalagayan at suliraning panlipunan ng lipunang kinabibilangan ng may-akda. Naipakikita rito ang pamaraan ng mga tauhan sa pagsugpo sa suliranin o kalagayan ng lipunan na nagsisilbing gabay sa mga mambabasa sa magpuksa sa mga katulad na suliranin.

Teoryang Moralistiko

v  Ang layunin ng panitikan ay ilahad ang iba’t ibang pamantayang sumusukat sa moralidad ng isang tao – ang pamantayan ng tama at mali. Inilalahad din nito ang mga pilosopiya o proposisyong nagsasaad sa pagkatama o kamalian ng isang kilos o ugali ayon sa pamantayang itinakda ng lipunan. Sa madaling sabi, ang moralidad ay napagkakasunduan ayon na rin sa kaantasan nito.

Teoryang Bayograpikal

v  Ang layunin ng panitikan ay ipamalas ang karanasan o kasagsagan sa buhay ng may-akda. Ipinahihiwatig sa mga akdang bayograpikal ang mga bahagi sa buhay ng may-akda na siya niyang pinakamasaya, pinakamahirap, pinakamalungkot at lahat ng mga “pinaka” na inaasahang magsilbing katuwang ng mambabasa sa kanyang karanasan sa mundo.

Teoryang Queer

v  Ang layunin ng panitikan ay iangat at pagpantayin sa paningin ng lipunan sa mga homosexual. Kung ang mga babae ay may feminismo ang mga homosexual naman ay queer.

Teoryang Historikal

v  Ang layunin ng panitikan ay ipakita ang karanasan ng isang lipi ng tao na siyang masasalamin sa kasaysayan au bahagi ng kanyang pagkahubog. Nais din nitong ipakita na ang kasaysayan ay bahagi ng buhay ng tao at ng mundo.

Teoryang Kultural

v  Ang layunin ng panitikan ay ipakilala ang kultura ng may-akda sa mga hindi nakakaalam. Ibinabahagi ng may-akda ang mga kaugalian, paniniwala at tradisyon minana at ipasa sa mga sunod na salinlahi. Ipinakikita rin dito na bawat lipi ay natatangi.

Teoryang Feminismo-Markismo

v  Ang layunin ng panitikan ay ilantad ang iba’t ibang paraan ng kababaihan sa pagtugon sa suliraning kanyang kinakaharap. Isang halimbawa nito ay ang pagkilala sa prostitusyon bilang tuwirang tugon sa suliraning dinaranas sa halip na ito’y kasamaan at suliranin ng lipunan.

Teoryang Dekonstraksyon

v  Ang layunin ng panitikan ay ipakita ang iba’t ibang aspekto na bumubuo sa tao at mundo. Pinaniniwalaan kasi ng ilang mga pilosopo at manunulat na walang iisang pananaw ang nag-udyok sa may-akda na sumulat kundi ang pinaghalu-halong pananaw na ang nais iparating ay ang kabuuan ng pagtao at mundo.

One Comment (+add yours?)

  1. zyra
    Jul 19, 2012 @ 13:19:15

    tank you

    Reply

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

%d bloggers like this: